44

Sep 8, 2021 @ 17:29
By

Mga trapo palitan ng bago! – Duterte

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na gawin ulit ang ginawa noong nakalipas na eleksyon at huwag panalunin ang mga kakandidatong hindi karapat-dapat sa pwesto.

Ang pahayag ay ginawa ng pangulo sa kanyang Talk to the People sa harap ng patuloy na pag-iimbestiga ng Senado sa umano’y hindi nagastong pondo ng Department of Health na pondo sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ng pangulo na kilala na ng mga botante ang mga nakaupong halal na opisyal na puro ingay lamang at hinimok ang mga ito na palitan na ng mga bago.

Kahit aniya barangay captain kapag kumandidato sa Senado ay iboto para mapalitan ang mga trapong politiko.

“Pag maniwala pa kayo sa kanila lalo na ngayong eleksiyon, palitan na lang ninyo ng mga bago kahit sino. Pag nagtakbo yung barangay captain ninyo pagka-senador botohan ninyo. I think its about time,” anang pangulo.

Hinikayat ni Pangulong Duterte ang publiko na gawin ulit ang ginawa noong nakalipas na eleksyon kung saan walang nanalo kahit isa sa Otso Diretso ng oposisyon.

Piliin aniya ang mga kandidatong tapat at masipag magtrabaho para sa sambayanan.

“Last time walang nanalo, maybe this time gawain ninyo uli. Panibagong tao na naman, with proven reputation for honesty and who has the penchant to work with industry,” dagdag ng pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?