180
politikop-BOC
By

Mga tinanggal na kawani sa BOC, paglilinisin sa Ilog Pasig

May ipa-patrabaho si Pangulong Rodrigo Duterte sa 64 na mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) na inatasan nitong mag-report sa Malacañang sa Lunes.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga Overseas Filipino Worker sa Kampo Aguinaldo noong Biyernes ng gabi, ibinalita ng Pangulo ang pagtanggal nito sa 64 na kawani ng BOC sa kanilang opisina dahil sa korapsiyon at pinagre-report sa Malacañang.

Ayon sa Pangulo, ipalilinis niya sa mga kawani ng Customs ang makapal na water lily sa Ilog Pasig partikular sa bahagi ng dinadaanan ng barge na ginagamit nito sa pagtawid pagpasok sa Malacañang.

Sinabi ng Pangulo na talamak na ang korapsiyon sa BOC at may nagpayo sa kanya na para matigil ito ay tanggalin ang lahat ng mga ito.

“So tinanggal ko lahat. Sabi ko, doon kayo magreport sa Pasig. Doon sa opisina ko. Ang barge ko magpunta doon sa opisina sa Pasig, galing dito sa kabila, hindi na makalusot dahil sa water lily. Yun ang ipatrabaho ko sa kanila, para makalusot ako doon sa Malacañan.”anang Pangulo.

Hindi pa pinapangalanan ng Presidente ang mga matataas na opisyal ng BOC na inilagay sa floating status, kasama ang 64 na mga kawani pero iaanunsiyo aniya ang pagkakilanlan aa mga ito sa mga darating na araw.

Binalaan din ni Pangulong Duterte ang iba pang mga opisyal ng gobyerno na huwag makisawsaw sa korapsiyon kung ayaw nilang matulad sa mga taga-Customs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?