17
witness
Apr 23, 2018 @ 15:57
By

Mga testigong nasa ilalim ng WPP, dumaing sa naantalang allowance

Nagpapasaklolo kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang ilang testigo at mga pamilya na nasa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).

Reklamo nila, dalawang buwan na silang hindi nakakatanggap ng allowance at iba pang benepisyo.

Ayon sa isang security personnel ng WPP, pinupuntahan na mismo ng mga may-ari ng safehouse ang mga testigo at pinapalayas ang mga ito dahil sa hindi binabayaran ng WPP ang upa ng bahay.

Dahil hindi na rin nakakatanggap ng allowance, wala nang pangkain at panggamot ang mga testigo.

Katunayan, ang mga security personnel o kaya ay ang mga piskal na ang gumagastos para sa pagkain ng mga testigo at ng kanilang pamilya.

Gayunman, pati umano ang suweldo ng mga security personnel ng WPP ay naaantala na rin.

Sumulat na umano ang mga testigo kay WPP Director Nerissa Molina Carpio para iparating ang kanilang hinaing pero hanggang ngayon ay wala pang nangyayari.

Kaugnay nito umapela sila kay Guevarra na imbestigahan kung saan napupunta ang pondo ng WPP at kung nagagastos ba ito nang wasto.

Nabatid na ang in-charge sa WPP ay si Justice Undersecretary Raymund Mecate na una nang naghain ng courtesy resignation matapos magbitiw si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Umaabot sa 90 ang mga testigo sa high-profile cases sa NCR na nasa WPP.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?