21

Aug 9, 2020 @ 11:47

Mga testigo sa PhilHealth scandal may pasabog pa – Lacson

Inaasahang may bagong rebelasyon na gagawin ang mga testigo bukod pa sa may ilalabas na mga bagong ebidensiya kaugnay ng malawakang korapsiyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson bagama’t hindi makakadalo sa pagdinig sina PhilHealth President at CEO Ricardo Morales at executive vice president Arnel De Jesus dahil sa kanilang kondisyong medikal.

Gayunpaman, giniit ni Lacson malaking kawalan sa mga opisyal ng PhilHealth ang hindi nila pagdalo sa susunod na pagdinig sa Martes dahil hindi nila masasagot at iba pang mga alegasyon ay inaasahang ibabato laban sa kanila.

“Ang magiging epekto nito, sa PhilHealth… It’s their loss. Ang alam ko, may mga bagong sasabihin ang mga resource persons. Tapos may bago kaming documents na medyo incriminating,” pahayag ni Lacson sa panayam sa DwIZ noong Sabado.

“So kung di nila ito masasagot during the hearing, kaya sinasabi ko di kawalan ng Senado yan. Of course kawalan din namin kasi isang side lang marinig namin. Pero mas kawalan nila yan kasi hindi nila masasagot,” sabi pa ng senador.

Una rito, nagpadala ng medical certificate sina Morales at De Jesus sa Senado bago pa ang itinakdang pagpapatuloy na pagdinig sa darating na Martes.

Sabi ni Lacson, hindi dapat kuwestiyunin ang medical condition ng dalawang PhilHealth official.

“’Pag health condition, talagang mababa ang loob ko. Sino ba namang tao ang gusto magkasakit, except the others before alam nating nagsasakit-sakitan?” sabi ni Lacson.

“Itong particular case na ito, talagang dapat makibagay, makiramay. Kasi nag-alangan tayo noong nakaraan parang modus operandi. Pag medyo nagigipit na biglang naka-wheelchair na. Pero ito totohanan naman ito. So let’s leave it at that and respect ang kanilang privacy and time na dapat magpagamot, magpagaling at magpahinga,” saad pa nito.

“Ginagalang ko kasi sabi ko hindi biro-biro ang sakit na yan. Kung sipon lang yan o inuubo lang, baka na sinasabi ko, baka iba na statement ko ngayon. Pero ang situation na ganyan, ayoko nang igiit o kung ano ang motibo ayoko nang question-I,” ayon pa kay Lacson.

Napaulat na napadala ang oncologist ni Morales ng medical certificate sa Senate committee of the whole noong Biyernes ng gabi.

Sabi sa medical certificate, si Morales ay sumasailalim sa chemotherapy matapos ma-diagnose ng lymphoma at ang kanyang kondisyon ay mapanganib sa impeksiyon.

Inabisuhan din si Morales, 67, ng kanyang doktor na mag-leave of absence muna.

Samantala, si De Jesus, 61, naman ay nagpadala ng kanyang lihma sa tanggapan ni Senate President Vicente Sotto III na nagsasaad na hindi siya makakadalo sa pagdinig dahil sa medical emergency.

Ang PhilHealth official ay na-diagnose na may amraming sakit kabilang ang acute coronary syndrome, hypertensive heart disease, at diabetes type 2 at na-admit na sa ospital mula pa noong Agosto.

Si De Jesus ay nakatakda ding sumailalim sa angiogram, angioplasty at pulse general replacement.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?