16

Oct 9, 2021 @ 15:32
By

Mga telco pinagsabihan sa personal data ng publiko

Pinaalalahanan ng National Privacy Commission (NPC) ang mga telecommunications company na maging responsable sa personal data ng kanilang mga customer lalo na ngayong panahon ng eleksiyon.

Kasunod ito ng natanggap na emergency alert ng maraming subscriber sa kanilang mobile phones matapos pormal na maghain ng kandidatura sa pagka-presidente si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni NPC Commissioner Raymund Liboro na bagama’t iniimbestigahan pa ng NTC ang insidente, dapat maagang maabisuhan ang mga telco na huwag labagin ang Data Practice Act.

“Panahon na ng eleksiyon dapat pong ipaalala sa inyo ang inyong responsibilidad sa tamang pag-handle o pag-process ng personal data ng mga mamamayan dahil mayroon po kayong obligasyon at mayroon din po kayong liabilities kung kayo po ay lalabag sa ating Data Practice Act,” ani Liboro.

Nasa poder aniya ng NTC ang SMS broadcast kaya dapat na bantayan ang mga gagawa ng SMS blasts sa panahon ng kampanya.

Sinabi ni Liboro na hindi na kailangan ang contact lists sa mga SMS blasts dahil maaaring gawin ito sa pamamagitan lamang ng radio waves kung saan mayroon lamang lokalidad na makakatanggap ng text blasts.

May pananagutan aniya ang telcos na gagawa ng ganitong uri ng aktibidad dahil may batas na nagsasaad na dapat igalang ang privacy ng isang indibiduwal sa paggamit ng teknolohiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?