80
Mga tatay, dapat bigyang-pugay kahit ‘di Father’s Day – Bishop Santos
Jun 16, 2019 @ 15:35
By

Mga tatay, dapat bigyang-pugay kahit ‘di Father’s Day – Bishop Santos

Dapat ipagmalaki at pasalamatan ang mga ama hindi lang sa tuwing pagdiriwang ng Father’s Day.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman din ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)- Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, ito ay dahil likas at kabilang sa magagandang katangian ng mga ama ang pagtitiyak ng seguridad ng kanyang pamilya.

Aniya, ipinakikita ng isang ama ang kanyang awtoridad at lakas sa pamamagitan ng pagbibigay nila ng proteksyon at pagtiyak sa kaligtasan ng pamilya kung kaya’t iginagalang at sinusunod siya ng pamilya.

Sinabi ng obispo na dakila at maituturing din na bayani ang mga ama dahil sa kanilang husay sa pagbibigay ng pangangailangan ng buong pamilya.

Kahanga-hanga aniya ang pagsasakripisyo ng sarili ng isang ama para matustusan at masuportahan ang kanyang pamilya.

Dagdag ni Santos, dapat na laging ipagdasal ang mga ama upang gabayan sila ng Panginoon habang pinangangalagaan nila ang kanilang pamilya.

Partikular na tinukoy ng obispo ang mga amang naghahanapbuhay sa ibang bansan na nagtitiis ng hirap na mapalayo sa kanilang pamilya para matiyak lang na magiging maayos at maganda ang kinabukasan ng kanilang mga anak.

“Now let us be proud of our parents. Let us always be thankful to God for them. And always pray also for their safety, sound health and security, especially those fathers who are OFWs.” pahayag ni Santos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?