31

Jan 16, 2019 @ 17:53
By

Mga tatalakayin sa 3rd martial law extension, inilatag ng Korte Suprema

Inilabas na ng Korte Suprema ang panuntunan at mga isyung tatalakayin sa oral arguments na kumukwestiyon sa constitutionality ng ikatlong pagpapalawig sa martial law sa Mindanao.

Sa tatlong pahinang advisory na inilabas ni Supreme Court En Banc Clerk of Court Edgar Aricheta, ang opening statement ay ilalahad na sa dokumento at isusumite ng mga partidong sangkot sa kaso sa Korte Suprema bago o pagsapit ng January 18, 2019.

Ang mga isyu naman na tatalakayin ay kung may sapat bang factual basis para sa pagpapalawig ng martial law at kung may nagaganap bang rebelyon sa Mindanao at nanganganib ba ang kaligtasan ng publiko.

Maituturing ba na isyung pulitikal ang pag-apruba ng Kongreso sa extension ng martial law at walang kapangyarihan ang korte na ito ay busisiin;

May pagmamalabis ba sa panig ng Kongreso nang kanilang pagtibayin ang martial law extension at ang pagsuspindi sa privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao;

Batayan ba ang paratang na paglabag sa karapatang pantao sa Mindanao para mapawalang bisa ang martial law extension.

Ang oral arguments ay idaraos sa January 22 at 23, 2019, ganap na alas-dos ng hapon.

Ang pagsusumite naman ng memorandum ay itinakda sa January 25, 2019.

Ang petisyon laban sa ikatlong martial law extension sa Mindanao ay inihain ng mga mambabatas mula sa oposisyon sa Kamara de Representantes sa pangunguna ni Representatives Edcel Lagman, Teddy Baguilat, Edgar Erice, Gary Alejano, Jose Christopher Belmonte, at Arlene Bag-ao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?