142

Jan 2, 2018 @ 13:44
By

Mga tanod na may baril, pinaaaresto ni Bato

Pinadadakip ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa lahat ng mga yunit nito ang lahat ng barangay tanod na iligal na nagdadala ng baril.

Ginawa ni Dela Rosa ang kautusan kasunod ng madugong shooting incident sa Mandaluyong noong Disyembre 28, 2017 kung saan dalawa ang namatay at dalawa ang nasugatan nang pagbabarilin ng mga pulis at mga barangay tanod ang sasakyang napagkamalan na ginamit ng mga tinutugis nilang suspek sa krimen.

Ayon sa hepe, walang karapatang magdala ng armas ang mga tanod maliban na lang kung sila ay may permit to carry firearms outside of residence o PTCFOR.

Ngunit nilinaw nito na kahit na may PTCFOR ang mga ito, hindi rin nila puwedeng gamitin ang kanilang mga armas sa pagroronda dahil nakasaad sa PTCFOR na hindi maaaring dalhin sa pampublikong lugar ang mga armas at dapat ay nakatago lang habang dala sa labas ng tahanan.

Nilinaw naman ni Dela Rosa na pinahihintulutan ang mga LGU na isyuhan ng mga armas ang mga sibilyan na bahagi ng civil security unit, pero aniya, awtorisado lang ang mga ito na magdala ng armas sa loob ng compound ng munisipyo bilang seguridad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?