93

May 18, 2019 @ 15:10
By

Mga talunan sa eleksyon, dapat isipin kung saan nagkamali – Andanar

Sa halip na mag-ingay at mag-akusang nadaya sa eleksyon, pinayuhan ng Malacañang ang mga talunang kandidato na isipin kung saan nagkamali ang mga ito sa kanilang estratehiya.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na dapat pakinggan ang puso ng masang Pilipino na bumoto at pumili ng kanilang inaakalang makakatulong sa kanila tungo sa pagbabago at pag-angat ng kanilang buhay.

“Although we have to be magnanimous in victory, kailangan din sigurong isipin na rin ng mga kalaban natin sa politika kung saan sila nagkamali sa kanilang mga strategy . Pagbigyan naman, pakinggan naman ang puso ng masang Pilipino,” ani Andanar.

Pinuna ni Andanar ang matinding vote-shaming sa social media at pang-iinsulto sa ilang nanalong administration candidate gaya ni senatorial bet Ronald “Bato” dela Rosa.

Sinabi ni Andanar na masyadong minaliit si Dela Rosa na isang graduate ng Philippine Military Academy (PMA) gayong hindi ka papasa sa PMA kung hindi ka matalino.

Panahon na aniya para mag-move on ang mga talunan dahil kailangang matutukan ang pagsasaayos sa bansa at maituloy ang mga pagbabagong nasimulan ng Duterte administration.

“Tama na iyong pang-iinsulto natin sa ating kapwa. It’s time to move forward, it’s time to really heal at ayusin ang mga problema ng bansa natin, ituloy iyong mga pagbabagong nagawa niya, na ginawa ni Presidente Duterte,” dagdag pa ni Andanar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?