18

Jan 13, 2021 @ 17:25
By

Mga taga-Marikina puwede mamili ng COVID bakuna

Inilantad ni Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na tatlong vaccine maker ang kinakausap ng city government para sa bibilhing bakuna laban sa COVID-19.

Sa panayam sa radyo nitong Miyerkoles, sinabi ng alkalde na lumagda na ang city government ng non-disclosure deal sa isang pharmaceutical company noong Biyernes pero plano pa nilang bumili ng bakuna sa ibang vaccine maker upang magkaroon ng pagpipilian ang kanilang mga residente.

“Hindi mo puwedeng pilitin [‘yung taong magpabakuna], karapatan niya ‘yan at pati ‘yung sinasabi nilang brand na gusto ng tao, kailangang igalang mo rin ‘yan,” ani Teodoro.

“Dun sa survey na ginawa namin, ‘yung mga tao gustong magpabakuna pero ‘yung tiwala sa brand, dahil nga may mga naririnig silang impormasyon, na mga reaksyon, o kaya doon sa mga nangyayari sa ibang brand, ‘yung efficacy at safety nito, gusto nga namin diversified portfolio of vaccines. ‘Yung may puwedeng pagpilian. Kaya nakikipag-usap kami sa mga dalawa o tatlong brand, para ‘yung tao naman may pagpilian,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?