134

Dec 15, 2017 @ 9:42
By

Mga sundalo, niratrat sa loob ng disco

Kinilala na kahapon ng pulisya ang mga biktima ng pamamaril sa loob ng isang disco sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay, ngunit hindi pa rin masabi ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod nito o ano ang motibo.

Nabatid na pawang mga sundalo ng 53rd Infantry Battalion ang pinagbabaril at isang sibilyan rin ang sugatan.

Patay sa naturang krimen na naganap kamakalawa ng madaling-araw sa Planet Disco House si Pfc. Gerald Jan Aujero Cordero, 27, at tubong Isulan, Sultan Kudarat.

Sugatan naman ang mga kasamahan nitong sina Cpl. Seperino Randes Damacino at Cpl. Giovanie Diodor, 27, taga-Zamboanga Del Norte pero nakadestino sa 102nd Infantry Brigade sa Ipil. At ang sibilyan na si Al Gerald Santos, 36, na native naman sa Tungawan, Zamboanga Sibugay.

Nasa De Villa Hospital pa rin ang mga sugatan habang patuloy ang pulisya sa imbestigasyon sa kaso.

Hawak naman ng imbestigador na si PO2 Romer Anggot ang kaso ngunit hindi naman nito sinasagot ang mga tawag sa kanyang cell phone.

Hindi malinaw kung sino ang nakabangga ng mga sundalo. Wala ring ibinibigay na anumang impormasyon ang brigade headquarters at ang 1st Infantry Division, gayundin ang Western Mindanao Command. (Al Jacinto)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?