6

Feb 26, 2021 @ 15:08
By

Mga sundalo handa ng magpabakuna – AFP

Handang-handa na ang mga sundalo para tumanggap ng bakuna mula sa Sinovac Biochem ng China.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Major General Edgardo Arevalo sa Laging Handa press briefing.

Ayon kay Arevalo, gagawin ang pagbabakuna sa loob ng mga kampo at mayroon na silang 27 vaccination sites na lisensiyado ng Department of Health (DOH) at kumpleto sa mga health facility.

“Handa na po tayo para sa ating pagbabakuna sa mga sundalo. Meron na tayong listahan ng vaccination sites,” ani Arevalo.

Kabilang aniya sa mga sundalo na mababakunahan mula sa 100 thousand shots na donasyon ng Sinovac ay sa Cordillera Administrative Region, Regions 1,2, at 3 sa ilalim ng Northern Luzon Command.

Sinabi ni Arevalo na mayroon silang DOH accredited sites sa National Capital Region sa ilalim ng joint task force NCR, Region 4A at Region 5.

Para aniya sa mga sundalong ayaw magpabakuna ng Sinovac, sinabi ni Arevalo na hindi nila ito ipipilit subalit sila na ang bibili ng kanilang bakuna.

“Kung gusto nila, puwede silang magpaturok ng choice nila. They can exercise their options,” dagdag ni Arevalo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?