57

Jan 2, 2018 @ 13:19
By

Mga stranded na pasahero dahil sa bagyong Agaton, bumaba

Bagama’t nadagdagan ang mga barko na hindi nakabiyahe dahil sa bagyong Agaton, bumaba ang bilang ng mga stranded na pasahero sa ilang mga lugar sa Visayas at Mindanao.

Sa pinakahuling ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), naitala sa 2,308 ang kabuuang bilang ng mga nabalam na pasahero kaninang madaling-araw, mas mababa kung ikukumpara sa 3,061 na naitala kaninang hatinggabi.

Malaki ang nabawas sa mga stranded na pasahero mula sa Central Visayas na ngayon ay nasa 260 na lamang mula sa 1,404.

Nananatili naman ang bulto ng mga stranded mula sa Northern Mindanao na may 1,540 partikular na sa Surigao, Cagayan de Oro, Ozamiz, Dapitan at Butuan.

Meron na ring stranded sa Southeastern Mindanao partikular na sa Davao na may 370; at Eastern Visayas mula sa Western Leyte at Southern Leyte na may 138.

Samantala, idinagdag naman ni PCG Spokesman Captain Armand Balilo na hindi muna nila pinayagang makapaglayag ang ilang barko ng 2Go Travel.

Ayon kay Balilo, hindi pa nila pinapaalis ang barkong St. Francis Xavier na may biyaheng Bacolod patungo ng Iloilo at St. Leo the Great na may biyaheng Cebu papunta ng Cagayan de Oro.

Nasa loob na umano ng dalawang barko ang mga pasahero at nananatiling naka-standby doon habang hinihintay pa ng PCG ang pinakahuling weather bulletin ng PAGASA.

Sa ilalim ng panuntunan ng PCG, hindi pinapayagan na bumiyahe ang alinmang uri ng barko sa mga lugar na nasa ilalim ng public storm signal, maliban na lang kung ang barko ay magte-take shelter. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?