128

Dec 18, 2019 @ 15:02
By

Mga SSS member pwede nang magbayad sa PayMaya

Pinadali pa ng Social Security System (SSS) ang paraan ng pagbabayad ng kontribusyon at utang ng mga miyembro nito.

Ngayong Miyerkoles, Disyembre 18, 2019, pinirmahan nina SSS President at CEO Aurora Ignacio at PayMaya Philippines, Inc. CEO Orlando Vea ang kasunduan na pinaloob ang PayMaya sa 85 kinikilalang collecting at paying partner ng SSS.

Inapruba ng Social Security Commission ng SSS ang PayMaya matapos pumasa sa standards at requirements ng sistemang Real-Time Processing of Contributions.

Sinabi ng SSS na pwede nang magbayad ang mga miyembrong self-employed, voluntary, at overseas Filipino worker sa PayMaya account o kahit anong Visa, Mastercard, o JCB credit, debit, o prepaid card.

Tatanggap na rin ang PayMaya ng mga bayad sa salary loan at mga employer contribution sa susunod na yugto.

Para sa mga walang card, pwedeng gumawa ng PayMaya account kapag dinownload ang app nito sa cellphone, at ginamit ang mobile number na nakakonekta sa kanilang SSS Mobile App (na dapat maunang i-download sa cellphone).

P10 transaction fee ang babayaran kapag ginamit ang e-wallet (PayMaya), habang 1.75% ng kabuuang ibabayad na halaga naman ang babayarang convenience fee kapag ginamit ang debit/credit card.

Bukod sa PayMaya, maaari ring magbayad ng SSS contribution sa GCash, Unionbank Mobile, mobile app ng Sky Freight Forwarders, o online facility ng Bancnet at Ventaja International Corporation.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?