58

Oct 26, 2021 @ 14:28
By

Mga solusyon sa pandemya nilatag ng Lacson-Sotto tandem

Nakatuon sa kalusugan at ekonomiya ang inihahanda ngayon nina Senador Ping Lacson at Senate President Tito Sotto bilang pagtugon sa pandemya, sakaling palarin silang manalo sa eleksyon sa Mayo 2022.

Binigyang diin ito ni Lacson nitong Martes kasabay ng kanyang panawagan na unahin ang pagbabakuna sa mas nakararaming populasyon, dahil hindi lubos na mabubuksan ang ating ekonomiya kung hindi makakamit ang herd immunity.

“Dalawa ang napakalaking problema sa pandemic: Health at economy. Vaccination ang Number 1 solution dahil nakita natin sa ibang bansa pag mataas ang vaccination rate nakabukas sila ng ekonomiya. Yan dapat pag-ukulan natin ng pansin,” sabi ni Lacson sa panayam sa dzRH.

“Maraming pagkakamali sa simula, pero pwede pang i-correct yan,” dagdag nito.

Si Lacson ay tumatakbo sa pagka-Presidente sa ilalim ng Partido Reporma habang si Sotto ay tumatakbo naman sa pagka-Bise Presidente sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagkokonsulta ng tambalang Lacson-Sotto sa mga eksperto para mas mabilis na matugunan ang pandemya at magkaroon ng mas maayos na alternatibo kapalit ng lockdown na lubhang nakaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Sabi ni Lacson, pinag-aaralan din nila ni Sotto ang iba pang mahusay na pamamaraan para mabuksan ang ating ekonomiya, kasama ang pagbigay ng insentibo para sa mga foreign investors.

Kasama sa kanilang masusing pinag-aaralan ang mataas na gastos sa paggawa at enerhiya sa bansa, at ang pagpapatupad ng digitalization at interoperability ng mga ahensya ng gobyerno.

“Ito dapat tumutulong sa aming ekonomista at iba’t ibang expert sa iba’t ibang field,” ani Lacson.

“Ang iba digitalized na, may interoperability ang national at local government agencies. Tayo naiwanan diyan,” sambit pa nito.

Paliwanag pa ni Lacson, panahon na para pag-ukulan ng pansin ang research at development para mas maging competitive ang bansa sa panahon ngayon ng “modern information technology.”

Kasama rin sa plano nila ang paglilinis ng burukrasya at paglaban sa korapsyon, kung saan iginiit ni Lacson ang kahalagahan ng single standard sa pamumuno at “leadership by example.” (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?