20

Jul 22, 2021 @ 18:05
By

Mga solon, hati sa dagdag-pondo ng NTF-ELCAC

Pabor si Speaker Lord Allan Jay Velasco na dagdagan ang pondo ng barangay development program sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), habang ang ilan namang mga mambabatas ay tutol dito.

Ayon kay Velasco, isa sa prayoridad ng Duterte government ay peace and order at kasama rito ang pagresolba sa problema ng mga rebelde.

“For me personally, naniniwala ako na kinakailangan talagang lagyan ng additional funding the certain barangays dito sa mga areas na ‘to mainly because kinakailangan nating pagandahin and one of the reasons bakit parang nai-invite ‘yung mga tao sa barangay sa insurgent is because ‘yung feeling nila na wala ‘yung presence ng government,” sabi ni Velasco.

Kung mapopondohan umano ang mga proyekto sa barangay ay mas mararamdaman ng tao ang gobyerno.

Humingi ang NTF-ELCAC ng P40 bilyong pondo sa susunod na taon para sa barangay development program nito.

Naniniwala naman si Velasco na masasagot sa isasagawang budget hearing ang mga katanungan kaugnay ng paggamit ng pondo ng NTF-ELCAC.

Kinondena naman ng mga miyembro ng Makabayan bloc ang paghingi ng dagdag na pondo ng NTF-ELCAC.

Sa halip na bigyan ng budget sinabi ni ACT Teachers Rep. France Castro na dapat pagpaliwanagin ang NTF-ELCAC kung saan nito dinala ang kanilang pondo.

“Sobrang kapal ng mukha ni Secretary Año na magrerequest pa raw ng P40 billion para sa NTF-ELCAC, ito ngang P19 billion na budget ng NTF-ELCAC sa ngayon ay hindi nila maipaliwanag,” sabi ni Castro.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, nasasayang ang pondo ng ahensya dahil ginagamit lamang ito sa red-tagging at pag-aresto ng mga aktibista.

“Busog na busog na ang mga heneral sa P19.1 bilyong pisong budget ng NTF-ELCAC na ginagamit lamang nila sa panreredtag, pag-aresto ng aktibista at mahihirap na mga mamamayan lalo na sa mga kanayunan,” wika pa ni Cullamat.

Para naman kay Kabataan Rep. Sarah Elago, buwagin na lamang ang NTF-ELCAC.

“Hindi lang ‘yan dapat idefund, dapat na ‘yang iabolish dahil po sa dami at lalim ng paglabag sa karapatang pantao at mga atake ka sa mga mamamayan na nagpapahayag ng hinaing sa gitna ng pandemic,” sabi ni Elago.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?