15

Sep 17, 2020 @ 15:27

Mga smuggled cellphone, laptop ipamigay sa mga estudyante – Imee

Sa halip na isubasta, mas mainam na ipamigay na lang sa mga mahihirap na estudyante ang mga smuggled na cellphone, tablet at laptop na nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC), ayon kay Senadora Imee Marcos.

“Kung nagawang i-donate ng BOC ang halos 800 puslit na behikulo sa mga pulis, militar at iba pang ahensya ng gobyerno noong Hulyo, siguradong kaya rin nitong lutasin ang pag-aalala ng libu-libong mga estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate sa kanila ng mga kumpiskadong electronic gadgets,” sabi ni Marcos.

Ayon sa senadora, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, posibleng lumobo pa ang mga iligal na transaksyon ng pag-angkat ng mga gadget bunsod ng mataas na demand dahil sa pinatutupad na social distancing dulot ng Covid-19 pandemic.

Aniya, sa halip na sirain o isubasta, maaaring i-donate ng gobyerno ang mga smuggled electronic device na hindi pa rin kinukuha ng mga importer matapos ang 15 araw na sila’y maabisuhan.

Noong Agosto, nakasamsam ang BOC ng halos 29.5 tonelada ng mga cellphone, storage device at electrical item na walang mga clearance mula sa Bureau of Product Standards, National Telecommunications Commission at Optical Media Board.

Nakakumpiska rin ang BOC ng kabuuang P100 milyong cellphone, baterya ng cellphone at tablet na mula sa Hong Kong noong Hulyo sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.

May P15 milyon na mga secondhand na cellphone, lithium batteries at phone accessories na mula South Korea ang nakumpiska ng sumunod na buwan sa paliparan ng Maynila.

“Ang isang libreng cellphone o laptop ay malaking ginhawa para sa isang nanay na pilit pagkakasyahin ang badyet para sa araw-araw na gastos sa pagkain, bayad sa kuryente, at ngayon sa online learning,” sabi ni Marcos.

Ang isang brand new laptop na may 14-inch screen ay halos nasa P15,000 hanggang P20,000, samantalang ang secondhand ay puwedeng mabili online mula P4,000 at ang mini-version o netbook na may 10-inch screen ay nasa P6,000 hanggang P10,000. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?