218

Feb 29, 2020 @ 15:42
By

Mga sinibak na empleyado ng PAL sasaklolohan ng gobyerno

Handang tulungan ng gobyerno ang mga empleyado ng Philippine Airlines (PAL) na nadale ng retrenchment dahil sa epekto ng coronavirus o COVID-19.

Inihayag ito ni Secretary to the Cabinet Carlo Nograles matapos ianunsiyo ng PAL na 300 mga empleyado nito ang mawawalan ng trabaho dahil bumagsak ang kanilang kita matapos magbawas ng biyahe at mababang pasahero dahil sa COVID-19.

Ayon kay Nograles, may awtomatikong mekanismo ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho.

“Kung may mga retrenchment ng workers, hahanapan natin sila ng bagong trabaho or bibigyan ng training through TESDA, o ang tinatawag na retooling o upscaling ng mga affected worker,” ani Nograles.

Bukod dito, sinabi ng kalihim na mayroong emergency employment program ang DOLE na maaaring ibigay sa mga maaapektuhang PAL employee.

Sinabi ni Nograles na makikipag-ugnayan ang tanggapan ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga empleyado ng PAL na nakasama sa retrenchment para alamin kung anong trabaho ang angkop sa mga ito.

“Mayroon din namang programa ang DOLE , like emergency employment na puwedeng ibigay sa kanila. Nakahanda na ang lahat ng programs na yan. DOLE Is in contact with these workers para to find out kung saan ba natin ilipat at i-facilitate ang paghanap ng bagong trabaho,” dagdag pa ni Nograles.

Tiniyak ni Nograles na hindi pababayaan ng gobyerno ang mga na-retrench na manggagawa ng PAL at kapag nakuha na ng mga ito ang kanilang benepisyo ay maaaring hikayatin ang mga ito na maging entrepreneur at magnegosyo na lamang sa tulong ng Department of Trade and Industry.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?