24

Oct 11, 2021 @ 17:30
By

Mga sinehan pinadapa ng pandemya, pagbubukas inihirit

Aabot umano sa P21 bilyon ang halaga ng pagkalugi ng industriya ng sinehan sa bansa mula ng pumutok ang pandemya noong nakaraang taon.

Ayon kay Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) president Charmaine Bauzon, kasama sa mga naapektuhan ay ang mga manggagawa ng sinehan at mga gumagawa ng pelikula gaya ng mga artista, direktor at producer.

“Parte lang po yung mga sinehan. Kasi kapag bumibili po tayo ng mga ticket, mahigit kalahati nito ay napupunta sa producer ng pelikula at siyempre may binabayaran tayong mga buwis sa gobyerno at sa LGU (local government unit),” pahayag ni Bauzon ngayong Lunes.

“Ang malaki po nito, yung 150,000 na estimate, yung mga gumagawa ng pelikula, ito yung mga artista, direktor, ito yung production crew behind po sa paggawa ng pelikula. At the same time, malaki rin po ang naapektuhan, mga 136,000 yung nagdi-distribute nitong mga nagawang pelikula,” dugtong pa niya.

“Mga about 43,000 na apektado na rin, yung mga suppliers at pa rin mga establisyemento na umaasa sa mga sinehan, mga food establishments sa tabi ng sinehan natin.”

Kaya naman nakikiusap si Bauzon sa pamahalaan na payagan ang muling pagbubukas ng mga sinehan upang makabangon ang industriya.

Nakahanda rin umano ang CEAP na magpatupad ng striktong health protocols para rito.

“Yung pagiging safe po ng ating sinehan, ang isang patunay po diyan na ang ating mismong mga sinehan ay ginagamit na vaccination sites,” dugtong pa ni Bauzon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,