222

Oct 30, 2019 @ 13:02

Mga SHS student sasanayin ng Navotas City gov’t

Maaari nang subukan ng mga Navoteño na mga senior high student ang kanilang natutunan matapos pirmahan ang memorandum of agreement (MOA) para sa kanilang work immersion sa Navotas City Hall.

Lumagda sa MOA sina Mayor Toby Tiangco, kasama sina Navotas Schools Division Superintendent Dr. Alejandro Ibañez; Assistant Schools Division Superintendent Buenafe Sabado; Public Schools District Supervisor Editha Peregrino; at mga prinsipal ng mga senior high school sa lungsod.

Kasama sa mga kalahok na paaralan ang Angeles National High School, Filemon T. Lizan Senior High School, Kaunlaran High School, San Roque National High School, Tangos National High School at Governor Andres Pascual College.

Sa ilalim ng programang ito, 210 kabataang Navoteño ang magtatrabaho sa city hall hanggang makumpleto nila ang 80 oras na kailangan para sa kanilang internship.

Ang mga estudyante ay hahatiin sa tatlong batch at itatalaga sa iba-ibang departamento mula November 18, 2019 hanggang February 7, 2020.

Ang Work Immersion Program ay isa sa mga kailangan ng mga senior high student para sila makapagtapos.

Bahagi ito ng K-12 basic education reform program na naglalayong ihanda ang mga estudyante sa pagpasok sa trabaho.

Ayon kay Tiangco, isa ring magandang oportunidad ang work immersion para sa mga kabataang Navoteño para maranasan nila ang serbisyo-publiko at mapahalagahan ang ginagawa ng pamahalaang lungsod.

“Hangad namin na magkaroon ang ating mga estudyante ng kaalaman at kasanayan na magagamit nila sa hinaharap. Ang de-kalidad na edukasyon na gusto naming makuha nila ay hindi lamang nagtatapos sa klasrum, saklaw rin nito ang matututunan nila sa city hall at sa buong komunidad,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?