2,822

Dec 28, 2017 @ 15:04
By

Mga senador umalma sa bagong puwesto kay Faeldon

Umangal ang mga senador sa pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon bilang deputy administrator ng Office of Civil Defense (OCD).

Ayon kay Senador JV Ejercito, iginagalang niya ang pagpili ng Pangulo ng kanyang pagtitiwalaan pero sana aniya ay pumili ng taong walang pangit na track record sa gobyerno.

“It is the prerogative of the President to appoint who he has trust and confidence,” ani Ejercito.

“But personally I would rather that appointees or those who intend to run for public office does not have any derogatory record or blemish in their track record because they are entering public service. Public service is a public trust,” diin ni Ejercito.

Higit namang pinagdudahan ni Senador Bam Aquino kung seryoso ang Duterte administration sa paglaban sa katiwalian dahil sa pagbibigay na naman ng posisyon kay Faeldon.

“Seryoso ba talaga ang pamahalaang ito na labanan ang katiwalian o handa silang isantabi ito kung kakampi ang sangkot sa usapan?” tanong ni Aquino.

“If the administration is serious in eradicating corruption in the bureaucracy, then it must appoint people with unblemished reputation and not those involved in scandals,” diin pa ni Aquino.

Una na ring bumira sa pagkuha muli ng Pangulo kay Faeldon sina Senador Ping Lacson at Senador Sherwin Gatchalian.

Sinabi ni Lacson na dahil ayaw bitiwan si Faeldon, natural na paghihinalaan na may kinalaman ito sa posibleng nalalaman ng dating komisyuner ukol sa Davao group na diumano ay nagpapalusot ng mga kontrabando sa Customs.

Ayon naman kay Gatchalian, sana ay ikinonsidera ng Pangulo na hindi naging epektibo si Faeldon sa Customs at ito ang responsable kaya may mga nakalusot na kontrabando roon. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?