102

By

Mga senador, may kanya-kanyang wishlist para sa SONA ni Duterte

May listahan ang mga senador ng gusto nilang mapakinggan sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Senador Sonny Angara na inaasahan niyang hihingin ng pangulo sa gitna ng SONA na apurahin ang pagpapatibay ng Universal Health Care Bill, umento para sa mga guro at mga repormang pag-ekonomiya para malikha ang mga bagong trabaho.

Gusto namang madinig ni Senador JV Ejercito mula sa pangulo ng direksyon ng ekonomiya ngayong diumano ay dumarami ang pumapasok na investors pero tumataas ang presyo ng mga bilihin at tumataas ang bilang ng mahihirap na pamilyang Filipino.

Dapat din aniyang ihayag ng pangulo ang estado ng Build, Build, Build projects at ang sertipikasyon ng Universal Health Care Bill.

Inaasahan naman ni Senadora Nancy Binay na pagtutuunan ng pangulo ang mga plano nito para makontrol ang inflation, ang paglikha sa trabaho at pagpapababa sa presyo ng bilihin.

“More jobs, less jabs,” sabi ni Binay.

Iginiit din nitong sagutin ng pangulo ang mga panawagan para suspendihin ang pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law at ang panawagan din na totohanin ang pangako nito noon na ipatitigil ang kontraktwalisasyon ng mga manggagawa.

Sinabi naman ni Senate minority leader Franklin Drilon na ang kahirapan at pagdami ng patayan ang inaasahan niyang tatalakayin ng pangulo dahil ipinangako niya iyong reresolbahin noong panahon ng kampanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?