44

By

Mga senador liligawan ng DOF para aprubahan ang TRAIN 2

Sharing is caring!

Hindi sumusuko ang Malacañang kahit idineklara na ng mga senador na ‘dead-on-arrival’ na sa Senado ang ikalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law (TRAIN 2).

Ayon kay Department of Finance (DOF) Undersecretary Karl Kendrick Chua, patuloy nilang pagpapaliwanagan ang mga senador ukol sa pakinabang sa TRAIN 2 para maihabol ang pagsasabatas nito bago magsara sa Marso 2019 ang kasalukuyang ika-17 Kongreso.

Sa TRAIN 2, ibababa sa 20 porsyento ang corporate income tax na sa ngayon ay nasa 30 porsyento.

Babawasan naman ang mga tax incentive na may 15 hanggang 50 taon na umanong pinakikinabangan ng mahigit sa 600 korporasyon na karamihan ay nasa loob ng economic zone.

Ayon kay Chua, hindi totoo na magiging dahilan ito ng pag-alis ng mga negosyante.

Sa kanilang pag-aaral, lilikha pa nga umano ito ng 1.4 milyong trabaho sa loob ng 10 taon dahil ang matitipid ng mga korporasyon sa income tax ay maidadagdag sa kanilang puhunan at sa pagkuha ng dagdag na mga tauhan.

Nilinaw naman na hindi tataasan sa TRAIN 2 ang buwis sa mga ospital at eskwelahan gaya ng mga naunang ulat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?