1,306

Feb 5, 2018 @ 9:04
By

Mga senador kay Acosta: Kalma ka muna sa Dengvaxia

Pinaghihinay-hinay ng ilang senador ang Public Attorneys Office sa pagsasalita at pagpapasampa ng kaso kaugnay ng kontrobersiya sa bakunang Dengvaxia.

Sinabi ni Senate Majority Leader Tito Sotto na mas maiging ipaubaya ni PAO Chief Persida Acosta sa mga forensic pathologist ng UP – PGH at medical experts ng Department of Health (DOH) ang imbestigasyon para maging malakas ang kaso laban sa kumpanyang Sanofi Pasteur na supplier ng bakuna.

Ani Sotto, sa halip na ikagalit ni Acosta ang ganitong payo, tanggapin nito ang constructive criticisms at makipagtulungan sa medical experts para matiyak ang hustisya sa mga biktima.

Ito rin ang binigyang-diin ni Senador JV Ejercito na nababahala sa ingay at maagap na deklarasyon ni Acosta na Dengvaxia ang ikinamatay ng ilang bata dahil nagdudulot ito ng pangamba at pagkabahala sa tulad niyang magulang na may anak na nabakunahan nito.

Malaking bagay naman umano ang tulong ni Acosta at ng buong PAO na gumagamit ng sariling forensic experts pero mas maigi, ayon kay Ejercito, na ipaubaya nito ang pagsisiyasat sa forensic pathologists ng UP PGH.

Sinabi ng mga expert ng UP PGH na sa 14 na bata na namatay na nabakunahan, dalawa ang posible o hindi pa sigurado na Dengvaxia ang ikinamatay.

Pinayuhan din ni Senador Richard Gordon ang PAO na huwag bara-barang magsampa ng reklamo sa Ombudsman at hintayin na munang matapos ang imbestigasyon para maging malaki at malakas ang kaso.

Alangan si Gordon sa isinampa ng PAO at Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na reklamong paglabag sa election laws laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Health Secretary Janet Garin dahil mas malaking kaso umano ang maari pang mabuo kapag naipon ang mga ebidensya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?