63

Oct 17, 2017 @ 17:36

Mga senador, hati sa pagbawi ng martial law sa Mindanao

Ngayong deklarado nang malaya na ang Marawi City mula sa mga terorista, kanya-kanyang opinyon ang mga senador kung nararapat nang bawiin o kung kailangan pang patuloy na pairalin ang martial law sa lungsod at sa buong Mindanao.

Sinabi ni Senate Majority Leader Tito Sotto na hindi na kailangan ang martial law ngayong rehabilitasyon at pagbangon na ng lungsod ang aatupagin kaya nga malamang na itong bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, kahit hindi ipanawagan ang pagbawi sa martial law, malamang na hindi na aabot sa Disyembre dahil sa umaayos nang sitwasyon sa Marawi City lalo na’t napatay na ang dalawang lider ng Maute Group na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon.

“Nagsimula sila sa mahigit 88 square kilometer ngayon parang ilang ektarya na lang ang tinitignan nila. Ilan na lang ang binabantayan nila. Let’s  just hope, lahat tayo, na matapos na talaga ang problema at hindi mag-spill over sa Mindanao lalo na sa Metro Manila,” pahayag ni Lacson.

Iginiit naman ni Senadora Risa Hontiveros na alisin na ang martial law dahil hindi kinakailangan.

Kahit walang batas militar, naniniwala ang senadora na mareresolba ng militar at pulisya ang naging krisis sa Marawi City.

Ayon naman Senador JV Ejercito, kailangan pang pairalin ang martial law sa Mindanao dahil ngsasagawa pa ang gobyerno ng clearing operations at tinitiyak pa na nadakip o na-neutralize na lahat ng mga terorista.

Masaya rin umano ang mga taga-Mindanao sa martial law dahil hindi makaporma ngayon ang mga warlord at private army doon dahil sa paghihigpit sa pagbibitbit ng mga baril.

“It is also advisable as people in Mindanao are happy with martial law since it limits or prevents armies from moving with their firearms,” pahayag ni Ejercito.

“This might be good in the long run to further improve the peace and order situation in Mindanao and bring about the needed economic development,” dagdag ni Ejercito. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?