40

Nov 14, 2021 @ 21:07
By

Mga sasalang sa face-to-face class kahit wala na face shield

Hindi na umano required para sa mga guro at mag-aaral na sasalang sa pilot implementation ng face-to-face class ang pagsusuot ng face shield sa loob ng silid-aralan, ayon sa Department of Education (DepEd).

“Hindi po talaga requirement ang face shield sa loob ng classroom. Pero yung face mask ay talagang importante na mapanatili nating nakasuot sa ating mga mag-aaral sa buong oras ng kanilang ilalagi,” pahayag ni DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma sa panayam ng CNN ngayong Linggo.

Ang pilot implementation ng face-to-face class ay sisimulan sa Lunes, Nobyembre 15.

Wika pa ni Garma, 100 pampubliko at 20 pribadong paaralan ang pagdarausan ng face-to-face class, kung saan nasa 12 hanggang 15 mag-aaral lamang ang nasa loob ng bawat silid-aralan at mula tatlo hanggang limang oras lang din ang klase.

Nakahanda na rin umano ang ahensya sa kanilang aksyon sakaling may guro o mag-aaral na magpapakita ng alinmang sintomas ng COVID.

“Hindi kailangang i-test na positive, pero kapag lumabas na ang mga sintomas nila, ito na ‘yung gagawin agad natin,” ani Garma.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?