107

Jun 19, 2018 @ 15:17
By

Mga sangkot sa anomalya sa barangay health station, pinakakasuhan kay Duque

Pinananagot ng Malacañang sa Department of Health (DOH) ang mga mapapatunayang sangkot sa P8.1 billion Barangay Health Station project ng nakalipas na administrasyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, si Health Secretary Francisco Duque ang nakatuklas sa anomalya kaya’t dapat na ito ang magsampa ng demanda sa Ombudsman laban sa mga nasa likod ng multi-bilyong pisong anomalya.

Ayon kay Roque, ang kailangan lamang ay isumite ni Duque sa Ombudsman ang mga dokumento at ebidensiya para malitis ang mga dapat mapanagot sa anomalya.

Hindi pa aniya nakausap ni Roque si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa natuklasang anomalya sa DOH pero malinaw naman ang adbokasiya nito at kampanya kontra katiwalian.

“Well ang nagsiwalat po niyan ay ang kalihim ng ating Department of Health, Secretary Duque. So I expect Secretary Duque to complete the documentations to forward it to the relevant prosecuting authorities. Puwede po ‘yan, kung ang kakasuhan ay triable before the Sandiganbayan, kinakailangan po i-forward ni Secretary Duque sa Ombudsman ang kanyang makakalap na mga dokumento at iba pang ebidensya,” ani Roque.

Sinabi naman ni Special Assistant to the President Bong Go na hinihintay ng Pangulo ang report ni Duque dahil interesado itong malaman kung sino ang mga dapat panagutin sa nawaldas na pera ng taumbayan.

Ang Barangay Health Station project ay naiwang nakatiwangwang kung saan 5,700 na mga barangay health stations ang hindi mapakinabangan dahil hindi nakumpleto ang mga kagamitan nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?