50

By

Mga sakit na dapat ingatan sa taglamig

Sharing is caring!

Nalalapit na ang panahon ng Kapaskuhan at iba na ang simoy ng hangin. Malamig na, ngunit alam n’yo bang kadalasang nagkakasakit din ang isang tao dahil sa taglamig?

May mga sakit na lumalala kapag malamig ang panahon. Dahil pabago-bago ang ating panahon, minsan mainit at minsan umuulan, narito ang mga sakit na dapat nating ingatan:

Trangkaso o flu — Kung taglamig, mas lumalakas ang mga virus na nagdadala ng trangkaso. Nagmumula ang mga virus na ito sa pasyenteng may trangkaso. At kapag sila’y umubo, puwedeng malipat ang virus sa mga pangkaraniwang bagay tulad ng mesa, gamit, computer at cell phone. Puwedeng mabuhay ang mga virus na ito ng hanggang 24 oras sa mga kagamitan sa bahay. Mag-ingat at baka mahawa rito.

Kaya upang makaiwas sa ganitong sakit, kailangan lamang lumayo sa mga taong inuubo. Baka malanghap mo ang mga virus na nagmumula sa kanilang lalamunan, ugaliing maghugas ng kamay palagi o mag-alcohol. Linisin ang mga kagamitan sa bahay. Umiwas sa mga lugar na may maraming tao at baka mahawa.

Magsuot ng jacket kapag malamig at magdala ng payong para may proteksyon ka sa init ng araw at buhos ng ulan. Maaari ring magpabakuna ng flu vaccine at kapag may trangkaso ka na, huwag manghawa ng iba. Magpahinga sa bahay at uminom ng maraming tubig.

Sakit sa puso — Sa mga may sakit sa puso, kailangan tayong mag-ingat sa sobrang init at sobrang lamig ng panahon. Ang pinakamainam na temperatura ng panahon ay 25 degrees Celsius. Kapag mas malamig o mas mainit dito, medyo nahihirapan ang ating katawan. Ang malamig na panahon ay puwedeng magpalapot ng dugo at magpakipot ng ugat sa puso.

Tandaan na ugaliing inumin ang iyong maintenance na gamot. Huwag itong ihihinto nang walang pahintulot ng doktor. Huwag maligo ng malamig na tubig. Baka makasama ito sa iyong puso.

Arthritis — Alam ng mga may edad na kapag taglamig ay mas masakit ang kani­kanilang kasukasuan. Para bang naninigas ang kanilang litid at nahihirapan silang galawin ang kanilang kamay at paa sa umaga. Osteoarthritis ang tawag sa sakit na ito at halos lahat ng tao ay magkakaroon nito.

Magsuot ng guwantes at medyas sa gabi para hindi malamigan ang iyong kamay at paa. Magsuot ng jacket kung maginaw sa iyong pupuntahan. Paggising sa umaga, mag-unat-unat muna ng kamay at paa para lumuwag ang mga litid. Kung kayo’y mataba, magbawas ng timbang para hindi matagtag ang iyong tuhod at paa. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?