72

Oct 30, 2017 @ 10:33

Mga rutang isasara sa ASEAN Summit, inanunsiyo ng DILG

Naglabas ng anunsiyo sa mga motorista ang Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa mga isasarang ruta sa Metro Manila sa kasagsagan ng  gaganaping Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Nobyembre 8 hanggang Nobyembre 15, 2017.

Sa kanyang pahayag na ipinost sa Facebook, hinikayat ni Interior and Local Government officer-in-charge at kasalukuyang chairperson ng ASEAN Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Response (CSPOEPR) Catalino Cuy, ang mga motorista at commuters na iwasang dumaan sa mga sumusunod na lugar:

Nobyembre 8 (12:01 AM onwards) – Partial lockdown ng CCP Complex, Pasay City; Nobyembre 11 (10:00 PM onwards) – Complete lockdown ng SMX-MAAX Block, Pasay City; Nobyembre 12 (12:01 AM onwards) – Complete lockdown ng CCP Complex, Pasay City; Nobyembre 13 (12:01 AM onwards) – Total lockdown ng Roxas Boulevard mula Padre Burgos Ave. hanggang Buendia Ave., Maynila.

Habang sa Nobyembre 13 (12:01 AM onwards) – Partial lifting ng lockdown sa SMX-MAAX Block, Pasay City; Nobyembre 13 (12:00 NN onwards) – Lifting ng lockdown sa Roxas Blvd. (Padre Burgos Ave. hanggang Buendia Ave., Manila); Nobyembre 14 – Continuous lockdown ng CCP Complex, Pasay City, at sa Nobyembre 15 (12:00 NN onwards) – Partial lifting ng lockdown sa CCP Complex, Pasay City.

Nilinaw ng DILG official na kapag ‘partial lockdown period’ ang mga pedestrian at mga sasakyang walang ASEAN ID at decals ay papayagang makapasok sa mga nabanggit na lugar.

Subalit kapag sinabi namang ‘full lockdown’, ang mga pedestrian at sasakyan lamang na may ASEAN IDs at decals ang papapasukin at hindi na papayagan pang makadaan ang  general public. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?