10

Jan 14, 2021 @ 15:24
By

Mga residente ng QC nakaranas ng diskriminasyon – Belmonte

Nakaranas ng diskriminasyon ang mga residente ng Quezon City (QC) matapos maitala ang unang kaso ng bagong Covid-19 variant sa kanilang lugar.

Ani Belmonte sa isang press conference, ipinaalam sa kanya ng barangay captain ng Kamuning na hindi na nakapasok ang ilang residente sa kanilang mga trabaho dahil sa insidente.

“Tumawag na sa akin kanina ang kapitan ng Barangay Kamuning at sinabi niya na napakarami sa kaniyang mamamayan ang takot na takot na, nangangamba na at marami din sa kanila ang di na pinayagang pumasok sa iba’t iba nilang tanggapan bilang mga empleyado,” saad ni Belmonte.

Aniya, nakalulungkot ang balitang ito dahil maiiwasan sa ito kung naanunsyo nang maayos ang balita hinggil sa Covid-19 patient.

“In other words, they were not allowed to report for work. That is very very sad because this is lack of information and lack of education and lack of awareness that could have been curtailed or avoided have we been given the opportunity to inform the public properly about it,” sambit niya.

Ipinaalala naman ng alkalde na mayroong batas hinggil sa diskriminasyon ang kanilang lungsod.

“Gusto ko ring ipaalam din sa mga employers ng iba’t ibang opisina, nauunawaan ko po kung kayo po ay nangangamba pero dito sa lungsod Quezon mayroon tayong tinatawag na anti-discrimination ordinance at isa po tayo sa lungsod na nagpasa nito sapagkat alam natin na because of ignorance, sometimes we do things that are uncalled or unjust for,” wika niya.

“This is something we are ready to pursue kung patuloy pa ring dinidiscriminate ang mga mamamayan ng Barangay Kamuning nang dahil sa kasong ito na wala namang batayan para sila ay madiscriminate,” dagdag pa niya.

Ayon sa kanya, hindi pa nila alam ang mga kumpanya na dawit sa diskriminasyon.

“Hindi ko alam ‘yung mga detalye basta ang binalita lang sa akin ng kapitan, they have been experiencing discrimination in the barangay,” saad niya.

Nakumpirma ang pagpasok ng bagong Covid variant sa bansa Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na residente ng QC na umalis papuntang Dubai noong Disyembre 29 ng nakaraang taon at bumalik sa bansa noong Enero 7.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?