By

Mga residente, nabulabog sa kahon na inakalang may bomba

Sharing is caring!

Nagdulot ng pangamba sa mga residente ng Brgy. 310 Zone 31 ang kahon na inakalang bomba na iniwan sa kahabaan ng Recto Avenue pasado alas-10:00 ng gabi.

Bigla na lamang kasi umano itong iniwan ng isang lalaki sa gilid ng kalsada na nakatali at mukhang kahina-hinala ang laman.

Ayon kay Benny Balmoja, executive officer ng barangay, nagpapatrolya sila sa paligid ng Recto nang bigla nilang mapansin ang kahon at agad nila itong itinawag sa Manila Police District.

Pinalayo ng mga taga-MPD SWAT ang mga tao ng 25 metro sa lugar kung saan iniwan ang kahon at pagdating ng mga tauhan ng Explosive Ordnance Division ay nagsagawa sila ng Render Safe Procedure.

Pagbukas ng kahon, tumambad sa mga awtoridad ang mga bote at basag na salamin.

Agad na itinapon sa tambakan ng basura ang naturang kahon at binaklas ang mga kordon sa lugar.

Makaraan ang dalawang oras ay tinanggal na ang harang sa daan na bahagya ring nagdulot ng trapiko sa mga pumapasadang sasakyan. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?