56
rodrigo-duterte
Dec 11, 2017 @ 14:30
By

Mga rason sa martial law extension, hinimay ni Duterte

Ipinalabas na ng Malacañang ang kopya ng liham ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na humihiling ng extension ng martial law sa loob ng isang taon, pati na sa suspensiyon sa privilege of writ of habeas corpus.

Hinihiling ng Pangulo na mapalawig ang martial law mula Enero 1 hanggang Disyembre 31 ng 2018 o batay sa determinasyon ng Kongreso kung hanggang kailan alinsunod sa Section 18, Article VII ng 1987 Constitution.

Ang sulat ng Pangulo ay may petsang Disyembre 8 at naka-address kina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate President Aquilino Pimentel III.

Nakasaad sa sulat ni Pangulong Duterte na bagama’t nakontrol na ang rebelyon sa Marawi City, may ibang mga grupo pang nananatiling banta sa Mindanao batay sa security assessment ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Rey Leonardo Guerrero.

Kailangan aniyang matiyak na mapulbos ang mga Daesh-inspired na grupo gaya ng Da’ Awatul Islamiyah Waliyatul Masriq at iba pang katulad na local at foreign terrorist groups at mga armadong grupo, mga supporters, financiers at mga coddlers ng mga ito.

Sinabi ng Pangulo na kahit patay na ang mga lider ng Maute-ISIS groups na sina Isnilon Hapilon at magkakapatid na Maute, tuloy pa rin ang recruitment ng mga galamay sa Central Mindanao lalo na sa mga lalawigan ng Maguindanao, North Cotabato, Sulu at Basilan.

Nakatanggap rin ng intelligence report na nagbabalak umano ng pambobomba sa Cotabato area ang pumalit kay Hapilon na tinawag na Turaife group.

Sinabi ng Pangulo na bukod sa mga nabanggit na grupo ay nananatili rin ang banta ng New People’s Army kaya’t mahalagang mapalawig ang martial law para maayos na maisulong ang rehabilitasyon sa Marawi City at matiyak ang kaligtasan ng publiko at maibalik ang public order sa Mindanao. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?