27
ccw
By

Mga raliyista sumugod sa SC para ipanawagan ang pagbibitiw ni Sereno

Sharing is caring!

Sumugod sa Korte Suprema ang mga kasapi ng Citizens Crime Watch o CCW para ipanawagan ang tuluyan nang pagbibitiw sa puwesto ni Chief Justice on leave Ma. Lourdes Sereno.

Pinangunahan ang grupo ni Atty. Ferdinand Topacio, na nagsabing bago pa man ilabas ang desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto petition laban sa Punong Hukom ay dapat mauna na itong bumaba sa puwesto.

Mas may bentahe kasi, ayon kay Topacio, kung tuluyan nang lilisanin ni Sereno ang kanyang posisyon, dahil ang pananatili umano nito sa puwesto ay nagdudulot na ng pagkakahati-hati ng sangay ng hudikatura na hindi malusog para sa demokrasya ng bansa.

Bitbit ang mga placard ay ipinanawagan ng mga raliyista ang pagpabor ng SC sa quo warranto case laban kay Sereno.

Naglagay din sila ng kulay pula na ribbon sa kanilang mga balikat.

Samantala, muli namang nagdaos ng Red Monday protests ang mga kawani ng Korte Suprema kasabay ng flag-raising ceremony, Lunes ng umaga.

Kapansin-pansin ang mga nakakulay pula na mga empleyado ng hudikatura bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa pananawagan na magbitiw na ang Chief Justice.

Sumugod din ang mga pro-Sereno protesters sa Padre Faura, kung saan kanila namang ipinanawagan ang pag-iral ng rule of law.

Anila, hindi ang quo warranto petition ang tamang paraan para litisin ang Punong Mahistrado sa mga ipinararatang dito kundi sa pamamagitan lamang ng impeachment. Muli din nilang ipinanawagan ang pag-inhibit sa botohan sa petisyon ang limang SC justices na anila’y nakikitaan ng pagiging bias.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?