30

Jan 5, 2022 @ 9:15
By

Mga quarantine hotel babantayan ng mga parak

Pababantayan na sa mga pulis ang mga quarantine hotel para masigurong hindi makalabas at magkakalat ng virus ang mga Pinoy na umuuwi sa bansa habang naka-quarantine ang mga ito.

Sa harap na rin ito ng ginawa ni Gwyneth Chua o Poblacion girl na nakipag-party at gumala sa halip na sumunod sa quarantine protocols na naging dahilan para makapanghawa ito ng COVID-19 sa mga nakasalamuha nito sa labas.

Sa kanyang Talk to the People, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Interior and Local Government (DILG) na maglagay ng mga pulis sa mga quarantine hotel para masigurong nasa loob lamang ang mga naka-quarantine na mga balikbayan at overseas Filipinos.

“What I propose for government to do is we have yet to see this… Si Secretary Año: Sir, kaya mong maglagay ng pulis sa mga hotels na ginagamit ng quarantine ng gobyerno? Dalawang pulis in two shifts para dyan lang,” anang Pangulo.

Positibo naman ang naging tugon ni DILG secretary Eduardo Año sa mungkahi ng Pangulo at sinabing kinausap na nito ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) para bantayan ang quarantine hotels na pinagdadalhan sa mga umuuwing Pinoy.

“Mr. President, nag-usap na po kami ni Chief Philippine National Police General Carlos tungkol po dito at naghanda na po sila,” ani Año.

Sinabi ng Pangulo na naiintindihan niyang hindi obligasyon ng quarantine hotels na bantayan ang kanilang guests kaya dapat mabantayan ng mga pulis ang mga naka-quarantine na mga balikbayan para masigurong hindi magkalat ng virus ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?