26

Feb 5, 2021 @ 18:58
By

Mga PUV driver unahin sa COVID-19 bakuna – Go

Hiniling ni Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na isama sa unang mababakunahan ng COVID-19 vaccine ang mga driver ng pampublikong sasakyan, kabilang ang mga bus, jeepney at tricycle driver.

“Unang-una, [medical] frontliners, senior citizens… tapos mga indigent. Halos lahat dito ‘isang kahig, isang tuka’. ‘Yun ang priority natin, ang mga taong kailangang lumabas ng bahay,” pahayag ni Go.

“Kasama rin ang [public utility] drivers dahil sila ang nangunguna sa transportasyon. Paano sila babalik sa normal nilang pagmamaneho kung hindi sila nababakunahan? Kasama sila sa essential workers ng ating lipunan,” dagdag nito.

Target ng national government na mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pinoy para maabot ang herd immunity laban sa coronavirus ngayong taong ito.

“Ito naman pong pagbabakuna ng national government in coordination ito with LGUs… well-coordinated dapat ‘yan para walang malimutan, walang makaligtaan, lalo na po ang mga mahihirap nating kababayan,” sabi ni Go.

“Mayroon tayong tinatawag na road map sa pag-implementa ng vaccine. And I’m sure lahat naman ng LGU may data ‘yan up to barangay kung sino po ang mga tao,” paliwanag pa nito.

Subalit kailangan pa aniyang magkaroon ng malawakang information campaign nang sa gayon ay magkaroon ng awareness at public confidence ang publiko sa vaccination plan ng pamahalaan.

“Marami pang takot sa ngayon kaya dapat patunayan ng gobyerno na ang bibilhing bakuna ay safe at effective para makuha natin kumpiyansa ng taumbayan,” dagdag ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?