30

Jan 12, 2022 @ 18:26
By

Mga pulis, sundalo gagamitin sa 2022 elections

Ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang basbas nito para i-deputize ng Commission on Elections (Comelec) ang mga alagad ng batas, kasama na rito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa darating na eleksiyon sa Mayo 9.

Batay sa Memorandum Order No. 59 na pinirmahan ni Pangulong Duterte, binigyan nito ng permiso ang Comelec na i-deputize ang mga pulis at sundalo para mangasiwa ng kaayusan, katahimikan at malinis na halalan sa Mayo.

Alinsunod ito sa kahilingan ng Comelec na nakapaloob sa kanilang Resolution No. 10744, na humihiling sa Pangulo para payagang magamit ang mga alagad ng batas sa pagpapatupad ng eleksiyon sa Mayo.

“By virtue of the powers vested in me by the Constitution and existing laws, hereby concur with Comelec Resolution No. 10744 deputizing the law enforcement agencies and instrumentalities of the government, including the AFP, in connection with the 09 May 2022 National and Local Elections,” anang memorandum ni Pangulong Duterte.

Inaatasan ang lahat ng mga law enforcement agencies at mga ahensiya ng gobyerno na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa Comelec sa pagtupad sa kanilang tungkulin sa darating na halalan.

Ang memorandum circular ay pinirmahan ng Presidente noong December 31, 2021 at ngayon lamang inilabas ng Malacañang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?