266

Aug 17, 2019 @ 15:00
By

Mga pulis na pumasok sa PUP kasabay ng random drug testing, dinumog ng mga estudyante

Dinumog ng mga mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Manila ang mga pulis na ilegal umanong pumasok sa unibersidad sa kasagsagan ng isinasagawang mandatory drug test sa mga estudyante.

Makikita sa bidyong ipinoste ng page na PUP Memes ang aktwal na pagdumog ng mga estudyante sa kotseng may sakay na mga pulis kung saan ay pinipigilan ng mga ito ang sasakyan na makalabas sa unibersidad.

Ayon sa report, pinangunahan ng PUP Speak, SAMASA PUP, at iba pang organisasyon ang pagproprotesta laban sa mandatory random drug testing na ikinasa ng administrasyon ng PUP at ng Philippine National Police (PNP).

Anila, ang naturang drug testing ay nagdulot ng matinding takot at pangamba sa PUP Community.

Nakaposte naman sa page ng The Catacyst, alternative news site ng PUP na marami umanong estudyante ang nagbreakdown at natakot dahil sa biglaang drug test dahil wala umanong matinong oryentasyon, tila namili lamang umano ng estudyante at pinapunta sa venue.

Nagbigay babala rin ang The Catacyst sa mga estudyante na wag basta-basta inumin ang ipinapainom sa mga ito at magdala na lamang umano ng sariling tubig dahil baka may kung anong laman ito.

Samantala sa isang pahayag ay sinabi naman ni PUP President Emmanuel de Guzman na isinagawa ang naturang drug testing dahil sa kautusan ng Commission on Higher Education at hindi umano totoo na hindi naabisuhan ang mga estudyante at mga magulang.

Paglilinaw ni De Guzman, posibleng maharap sa suspensyon ang estudyanteng magpopositibo sa drug test ngunit hindi naman umano masisipa ang mga ito sa paaralan o mae-expel.

Itinanggi ni De Guzman na isinagawa ang drug testing kaugnay ng ulat na mayroong mga militanteng grupo na nagrerecruit ng mga estudyante.

Giit niya, maging ang mga faculty member ay sasalang din umano sa drug testing.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?