126
pnp
Mar 16, 2018 @ 11:53
By

Mga pulis-Maynila inimbentaryo ni Albayalde

Ipinatawag ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Oscar Albayalde ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) para iimbentaryo ang kanilang bilang.

Sa isinagawang accounting of personel sa Quirino Grandstand sa Maynila ay nasa 4,252 lamang ang dumalo mula sa kabuuang 5,020 na kabuuang tauhan ng MPD.

Maliban sa accounting of personnel, nagkaroon din ng surprise random drug testing sa mga piling unit ng Manila police tulad ng mga nakatalaga sa anti-drugs operations.

Sa mensahe sa kanyang mga tauhan, sinabi ni Albayalde na isinasagawa ang accounting dahil mayroong mga pulis na pumapasok lamang tuwing 15 at katapusan ng buwan habang mayroon namang palaging nasa abroad.

Inihalimbawa ng opisyal ang isang PO2 Alqueros na dating nakatalaga sa MPD at kasalukuyang sumasailalim sa summary dismissal proceedings makaraang mabuking na nakapagbiyahe sa abroad sa loob ng 11 na beses nang walang paalam sa pambansang pulisya.

Ipinaalala rin nito na walang puwang sa kanilang hanay ang mga pulis scalawags.

Wala aniya siyang pakialam kung mangalahati ang bilang ng mga pulis sa NCRPO basta ang importante ay mga matitino at nagtatrabaho ang mga ito.

Aminado naman si Albayalde na hindi niya kayang baguhin ang ugali ng lahat ng mga pulis sa Metro Manila, pero habang nasa serbisyo ang mga ito ay dapat aniya na sumunod sa polisiya na ipinapatupad ng PNP.

Inihalimbawa pa nito si C/Supt. Joel Coronel na kanyang mistah sa PMA at isang abogado pero sumusunod sa kanya.

Ipinagmalaki rin nito ang pagbaba ng crime rate sa Metro Manila kasabay ng pagtaas ng kanilang trust rating pero dahil sa kalokohan na ginagawa ng ilang pulis ay nasisira ang imahe ng buong pulisya.

Mayroong kabuuang 29,222 ang miyembro ng NCRPO kung saan mula Hulyo 2016, nasa 270 na ang na-dismiss, mahigit 800 ang nasuspinde at nasa 394 na ang ipinatapon sa Mindanao.

Ipinaalala naman ni Albayalde sa mga tauhan ng MPD na hindi sila nagtatrabaho para lamang sa Manila’s Finest kundi para sa buong NCRPO dahil naniniwala siya sa team effort para makamit ang kanilang minimithing tagumpay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?