117

Feb 14, 2020 @ 21:35
By

Mga public school kulang ng 50K guro

Mahigit sa 50,000 guro ang kulang sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Kaya kinalampag ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang Department of Education (DepEd) na punan na nito ang kakulangan ng guro at maging ang non-teaching positions sa mga public school.

Kung kinakailangan umanong magsagawa ng jobs fair ang naturang ahensiya ay dapat na gawin nito para lamang mapunan ang kakulangan ng guro.

Base sa staffing summary ng pamahalaan para sa taong 2020, ang public school system ay may kabuuang 966,159 permanent positions na kung saa’y 907,133 lamang ang napunan.

Nangangahulungan na ang DepEd ay may 59,026 na bakanteng posisyon na karamihan ay mga guro.

Giit ni Defensor, ang kakulangan o malaking bilang ng bakanteng posisyon ay nangangahulugan na mas malaki ang bilang ng estudyante kaysa sa mga guro sa bawat klase at nakasasaripisyo umano dito ang edukasyon ng mga kabataan.

Bukod sa nagreresulta rin umano ito sa dagdag gawain para sa mga guro tulad ng paggawa ng mga non-teaching and administrative chore.

Dagdag pa ng solon, walang dahilan ang DepEd para hindi kumuha o mag-hire ng mga kawani nito upang punan ang bakanteng posisyon dahil ito’y pinondohan na sa ilalim ng national budget.

Dahil dito, panawagan na rin ni Defensor sa mga qualified education graduate na mag-apply ng trabaho sa pampublikong paaralan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?