12

Aug 13, 2020 @ 18:14
By

Mga private school sa Metro Manila hinihilot gawing isolation center

Kinukumbinsi ng Department of Education (DepEd) ang mga pribadong paaralan sa Metro Manila na maging dagdag na mga isolation center para sa mga nadapuan ng COVID-19.

Inihayag ito ni DepEd Secretary Leonor Briones sa press briefing sa Malacañang matapos pumayag na ipagamit ang 17,910 classrooms ng mga pampublikong paaralan sa National Capital Region.

Sinabi ni Briones na kinakausap na nila ang mga pribadong paaralan at sakaling pumayag ang mga ito ay aasahang madadagdagan ang isolation faciltiies para sa mga may COVID-19.

“Kung isama natin ang private schools na nandito sa NCR at kung papayag sila ay lalong lalaki itong numerong ito. We are now working out the numbers with the Department of Health,” ani Briones.

Inaasahang aabot ng lampas 80,000 bed capacity kapag nagamit na ang mga paaralan bilang isolation facility.

Hiniling ni Briones sa DOH na kapag gagamitin na ang mga paaralan para sa mga pasyente ay dapat mayroong magbabantay at magmomonitor sa mga ito para matiyak na talagang maliligtas sila sa COVID-19.

Dahil marami nang naitayong testing centers sa Metro Manila, inaasahang tataas pa ang mga matutuklasang kontaminado ng COVID-19 kaya’t kailangan ang mas maraming isolation centers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?