7

Oct 11, 2020 @ 9:41

‘Mga Pinoy sa UK pinakaapektado ng COVID’

Sa ngayon, ang kabuuang bilang ng mga Pinoy health at care staff sa United Kingdom na yumao dahil sa mga coronavirus-related cause ay pumalo na sa 57.

Ayon ito sa Tinig UK, na nag-ulat din tungkol sa tanging Pilipino na nakatanggap ng Queen’s birthday award ngayong taon na si Minerva Pascual Klepacz.

Ginawaran ang Pinay nurse ng British Empire Medal para sa kanyang nursing services ngayong pandemya.

Si Klepacz ay matron sa Eye Unit at BAME (Black and minority ethnic) lead sa Royal Bournemouth and Christchurch Hospitals NHS Foundation Trust. Siya rin ang public relations officer ng katatatag pa lang na Filipino Nursing Association UK CIC.

Una nang sinabi ng Clinical Lead Nurse ng Royal Bournemouth Hospital na si BJ Waltho na karamihan sa mga staff nila na dinala sa intensive therapy unit (ITU) ay mga Pinoy.

“Our staff who went into ITU were all Filipinos, except for one – healthcare assistants, qualified nurses,” aniya sa BBC noong Hulyo.

“They were being hit the hardest. And everyday, I looked for their names – were they still there? Were they still alive?,” dagdag niya pa.

Napaulat na higit 150 Pinoy nurse ang nagtatrabaho sa Royal Bournemouth and Christchurch Hospital Trust.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?