60

Oct 17, 2017 @ 22:06

Mga Pinoy sa Somalia, ligtas sa bomb attack

Natiyak na ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa ligtas na kalagayan ang lahat ng mga Pilipino sa Somalia kung saan nambomba ang mga terorista nitong nagdaang Sabado.

Sa ulat sa DFA ni Ambassador Norman Garibay ng Philippine Embassy sa Kenya na may hurisdiksyon sa Somalia, walang nadamay sa 20 Pilipino na nagtatrabaho sa construction companies at opisina sa ng United Nations sa Somalia.

Batay ito sa mensahe ng lider ng mga Pilipino roon.

Noong Sabado, dalawang sasakyan na puno ng bomba ang pinasabog sa bahagi ng Mogadishu na madalas pagtipunan ng mga tao.

Tatlong daan (300) ang nasawi sa pambobomba na itinuturing na pinakamalagim na terror attack sa Sub-Saharan Africa.

Ayon kay Ambassador Garibay, wala pang umaako ng responsibilidad sa pagpapasabog pero itinuturo ng pamahalaang Somali na nasa likod ang grupong Al-Shabab.

Agad namang nagparating ng pakikiramay sa Somalia si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

“We mourn with the people of Somalia over the loss of so many men, women and children in another senseless act of violence perpetrated against the innocent,” ayon kay Cayetano.

“The Philippines joins the rest of the international community in condemning this brutal attack and expresses its hopes that the perpetrators be brought to justice,” dagdag ng kalihim. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?