27

May 13, 2021 @ 15:44
By

Mga Pinoy sa Israel handang iuwi

Nakahanda ang gobyerno na iuwi ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Israel sakaling lumala ang sitwasyon sa nagaganap na kaguluhan sa nabanggit na bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang kaligtasan ng mga overseas Filipino worker ang isinaalang-alang ng gobyerno sa nagaganap na bakbakan at kaguluhan ngayon sa pagitan ng Israel at Palestine.

“Ang gobyerno naman natin, kung kakailanganin ay susunduin natin ang ating mga kababayan kung talagang kinakailangan at kung gusto po talaga nila,” ani Roque.

Alam na aniya ng mga embahada ang gagawin sa mga ganitong pagkakataon at pinag-iingat ang mga Pilipino para matiyak ang kaligtasan sa nagaganap na kaguluhan.

“Alam na po ng ating mga embahada kung ano ang mga posibleng gagawin. Inihahanda na po yung posibleng repatriation, bibibigyan na po sila ng warning na kung pupuwede ay mag-ingat dahil dito sa nag-iinit na mga pangayayari diyan sa Israel, sa occupied territory,” dagdag ni Roque.

Hangad aniya ng kagawarang panlabas ng bansa na malutas at manumbalik ang kapayapaan sa naggigiriang dalawang bansa.

“Siyempre ang posisyon ng DFA sana malutas sa mapayapang paraan itong tension na nangyayari diyan sa Gitnang Silangan,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , ,