34

Oct 16, 2017 @ 17:12

Mga Pinoy sa Iraq, pinag-iingat

Inabisuhan ng Philippine Embassy sa Iraq ang mga Filipino sa Kurdistan Region na limitahan ang kanilang mga galaw matapos mapaulat na nagkasagupa ang Iraqi Security Forces at Kurdish Peshmerga sa Kirkuk Province.

Sa ipinalabas na advisory ng embahada, pinayuhan din ang mga Filipino na manatili lang na kalmado ngunit alerto at iwasan ang pagpunta sa Kirkuk at karatig-lugar.

Pinamo-monitor din sa kanila ang social media accounts ng embahada para sa mga bagong advisories.

Kasabay nito, muli ring nanawagan ang embahada sa mga Filipino na hindi pa nakapagparehistro sa kanila na magparehistro na sa pinakamabilis na panahon para sila ay matawagan sakaling lumala ang sitwasyon.

Bukod pa rito, hinihikayat din ang mga Filipino na walang trabaho at ilegal ang pananatili na makipag-ugnayan lang sa embahada kung nais nila ng tulong para makabalik ng Pilipinas. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?