34

Jul 23, 2021 @ 15:23
By

Mga Pinoy Olympian bibigyan ng P100K allowance – Bong Go

Magbibigay ang Office of the President na dagdag na allowance at insentibo sa mga atletang nakikipaglaban sa Olympics at Paralympics sa Tokyo, Japan, ayon kay Senador Christopher “Bong” Go.

“Nagpapasalamat po tayo sa mahal na Pangulo, sa Office of the President, dahil inaprubahan nila ang ating apela na dagdagan ang allowance ng ating mga atleta na lalahok sa Tokyo Olympics and Paralympics,” sabi ni Go, chairman ng Senate committee on sports.

Inirekomenda ni Go at ng Philippine Sports Commission (PSC) na dagdagan ng P100,000 ang mga atleta sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ako, ine-expect ko na makakuha tayo ng ginto. We wish them good luck at ako naman po ay tiwalang kakayanin nating manalo at makakuha ng ating inaasam na gold medal para sa ating bayan. Dito lang po kami nagbibigay ng full support sa ating mga atleta,” ayon sa senador.

Nauna rito, nagbigay na ng inisyal na allowance ang PSC ng US$1,000 bawat atleta.

May 19 na Pinoy ang nag-qualify para makipagpaligsahan sa Olympics na gaganapin mula July 23 hanggang Setyembre 8 at lima naman ang sasali sa Paralympics na magsisimula sa Agosto 24 hanggang Setyembre 5.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10699, ang Olympic gold medalist ay tatanggap ng P10 milyon; P5 milyon sa silver medalist at P2 million naman sa bronze medal. Samantala, ang mga Paralympic medalist ay tatanggap ng P5 milyon para sa gold medal, P2.5 milyon sa silver medal at P2 milyon sa bronze medal.

Sabi pa ni Go, inaasahan ding magbibigay pa ang pangulo ng dagdag na cash incentive sa lahat ng atletang makakakuha ng medalya.

“I’m sure, si Pangulong Duterte, handa rin pong magbigay ng dagdag na insentibo kung makakuha tayo ng medalya. Known naman po ang mga Pilipino na matatapang, magigiting at lumalaban. Let’s give the best, ang Pilipino lumalaban talaga ‘yan,” sabi ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?