115

Feb 11, 2020 @ 13:34
By

Mga Pinoy nCoV positive sa ibang bansa, handang pauwiin ni Duterte

Pauuwiin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa ang mga Pilipinong maapektuhan at makapitan ng corona virus sa ibang bansa.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang pagsasalita sa mga lokal na opisyal sa SMX Convention Center sa Pasay City kamakalawa.

Sinabi ng Pangulo na hindi niya hahayaang itaboy ang mga Pilipino at iwasan sakaling makapitan ng coronavirus habang nasa ibang bansa.

Kagaya aniya ng ginawa sa 30 Pilipinong iniuwi mula sa China, pauuwiin din sa bansa ang mga Pinoy na maapektuhan ng nCoV kahit pa tutol ang ilang mga opisyal at mamamayan.

“If nagkakamatayan na talaga, at ang mga Pilipino doon pinagtutulak na, whether you like it or not, I will bring them home. I will bring them home because they have no other country to seek shelter. It’s their county. Saan pala sila tatakbo?” anang Pangulo.

Susunduin aniya ang mga Pilipino sa pamamagitan ng barko o eroplano at susundin ang mga patakaran para maging maayos ang pagpapauwi sa mga ito.

“Kung ang Pilipino pinapaalis doon, eh pupunta tayo, and we will marshall all available carriers there by ship or by air. Kunin natin sila. And of course, there will always be precautions,” dagdag pa ng Pangulo.

Batay sa record ng Department of Health, kasalukuyang naka-quarantine sa Japan ang ilang mga Pilipinong nagtatrabaho sa isang cruise ship matapos makitaan ng sintomas ng corona virus.

Kasalukuyang nasa quarantine naman sa New Clark City sa Capas, Tarlac ang 30 Pinoy na sinundo mula sa Wuhan City, China na unang inalmahan ng local officials dahil sa pangambang maapektuhan ng coronavirus ang mga residente ng Capas, Tarlac.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?