2,118

Nov 16, 2021 @ 17:30
By

Mga Pinoy abroad lulong sa online sabong

Hiniling ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa na rendahan ng gobyerno ang operasyon ng online sabong dahil maraming Pinoy ang lulong sa nabanggit na sugal.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinaabot ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mensahe ng mga Pilipinong nasa Spain na kung maaari ay limitahan ang online sabong operations dahil marami umano ang nauubos ang pera sa nabanggit na sugal.

Si Lorenzana ay galing sa Spain at Poland at ilang Filipino community ang nakausap niya at nagpaabot ng mensahe sa Presidente.

“May nagsabi po Mr. President, na kung puwede iyon daw online sabong ay limitahan lang yung panahon dahil marami pong nalululong na mga overseas na mga Filipinos sa online sabong,” ani Lorenzana.

Hindi lamang mga Pilipinong nakabase na sa iba’t ibang bansa ang nagrereklamo sa online sabong kundi pati na rin ang asawa ng mga Overseas Filipino Worker na nasa ibang bansa, kasama na rito ang pamilya ng mga seaman dahil nauubos ang sahod at minsan ay sumasala sa pagpapadala para pamilya.

Inireklamo rin ng mga Pilipinong may dual citizenship ang matagal na quarantine pag umuuwi sa bansa kaya nagdadalawang -isip ang mga ito na umuwi ng Pilipinas

Pinayuhan naman ni Lorenzana ang mga Pinoy na gustong umuwi ng bansa na maghintay lamang ng isa o dalawang buwan dahil luluwag din aniya ang patakaran sa quarantine.

“Ang hinaing po nila, hindi po ito mga OFW kung hindi dual citizens na, yung matagal na quarantine pag dumating sila sa bansa. Gusto nilang umuwi kaya lang hindi sila makauwi dahil nga doon sa quarantine,” dagdag ni Lorenzana.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?