22

Aug 25, 2020 @ 18:23

Mga PhilHealth regional exec pinakakasuhan ng graft

Inirekomenda ng Senate blue ribbon committee na nag-imbestiga sa katiwalian sa PhilHealth noong 2019 na tanggalin at sampahan ng kasong graft and corruption ang ilang regional executive ng ahensiya.

Ang rekomendasyon ay nakasaad sa report ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng kanilang imbestigasyon noong 2019 sa iba’t ibang pandaraya sa ahensiya.

“Ang mafia diyan, ang tunay diyan ay ‘yung mga vice president, ‘yung mga regional director. Walang exemption ‘yan. Lahat sila tumatagay diyan. Kumukuha diyan,” pahayag ni Senador Richard Gordon sa video conferencing.

“Itong mga mafia na ito, sa Mindanao group karamihan tumitira to stay in their respective positions for some 20 years to 22 years hindi napapalitan. Hindi ba kayo magtataka?” dagdag pa nito.

Ayon pa kay Gordon, ang tinatawag na “mafia” ay siya ring pasimuno ng pagtanggal sa ilang pangulo ng PhilHealth na nagtangkang tanggalin ang ilang opisyal sa kanilang puwesto.

Sa findings pa ng committee, sinabi ni Gordon na pinayagan ng mga regional vice president ang milyong halagang overpayment sa mga ospital sa kanilang nasasakupan.

Sa kabuuan, umabot ang overpayment sa ilalim ng case rate system ng PhilHealth sa P54.7 milyon.

“All these overcharges, overpayments, upscaling, and other nefarious schemes could not have been perpetrated without their cooperation, or, maybe even, principal leadership,” ayon sa committee report.

“There existed sufficient safeguards in the system that could have caught these criminal schemes had they performed their jobs faithfully and honestly,” dagdag pa roon.

Lumabas ang findings ng komite ni Gordon isang taon matapos imbestigahan ang diumano’y pandaraya at katiwalian sa ahensiya.

Sa pagdinig ng komite noong 2019, ang dating opisyal ng PhilHealth na kasama diumano sa “mafia” ay sina: Khaliquzzaman Macabato, regional vice president (RVP) for Autonomous Region in Muslim Mindanao; lawyer Valerie Anne H. Hollero, assistant corporate secretary; Datu Masiding Alonto Jr., RVP for Northern Mindanao; William Chavez, RVP for Central Visayas; at Paolo Johann Perez, RVP for Mimaropa.

Ang iba pa ay sina Dennis Adre, RVP for Davao; lawyer Jelbert Galicto, RVP for Caraga; at Dr. Miriam Grace Pamonag, RVP for Central Mindanao.

Nauna nang itinanggi ng mga regional official ng PhilHealth ang alegasyon laban sa kanila.

Sa pagdinig naman ng Senate Committee of the Whole noong August 18, inihayag ni Adre na ang “Mindanao group” ang “good” na mafia sa ahensiya. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?