15

Dec 15, 2020 @ 17:42
By

Mga PhilHealth official, doktor tatambakan ng bagong kaso

Madadagdagan ang problema ng mga opisyal at tauhan ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na nakasuhan na sa Ombudsman dahil may panibagong kasong naghihintay sa mga ito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagsumite na ng report si Justice Secretary Menardo Guevarra kay Pangulong Rodrigo Duterte mula sa imbestigasyon ng binuong Task Force na inatasang mag-imbestiga ng mga anomalya at katiwalian sa mga ahensiya ng gobyerno.

Nakatakda aniyang magsampa ng kaso sa Ombudsman laban sa ilang Philhealth official at ilang mga doktor na nagsabwatan ng anomalya.

“Sang-ayon po kay Secretary Guevarra, magpa-file po ang expanded task force ng ilang mga complaint sa Ombudsman laban sa ilang opisyal ng Philhealth pati na sa ilang medical practitioner na kasabwat sa anomalya,” ani Roque.

Matatandaang lumabas sa imbestigasyon noon ng Kongreso na naniningil ng malaki ang mga ospital sa Philhealth kahit simpleng sakit lamang at pinapalitan ang diagnosis ng pasyente para makakubra ng mas malaking halaga sa ahensiya.

Maging ang COVID -19 ay nagamit rin umano sa sabwatan ng mga ospital at mga doktor, kasabwat ang ilang opisyal at tauhan ng Philhealth para mas malaki ang makukuhang singilin sa ahensiya.

Bukod pa rito ang mabunyag na noon na anomalya sa operasyon ng katarata sa mata kung saan napakalaki ang ipinapatong na presyong kinukubra ng mga doktor sa Philhealth.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?