22

Dec 14, 2020 @ 21:20
By

Mga pharmaceutical company ilagay sa iisang lugar – Tolentino

Sinuhestiyon ni Senador Francis Tolentino na para lumuwag ang Metro Manila ay ilagay na lang sa iisang lugar ang mga pharmaceutical company sa bansa.

Sa panayam sa senador ni Jon Ibanez sa programang “Balitaan at Kumustahan” ng Politiko Live, sinabi niyang naghain siya ng panukalang batas tungkol dito.

“Noong isang linggo, nag-file ako ng isang panukala, kasi po nung budget hearing ng DTI, naungkat ko kasi ang pinag-uusapan natin ngayon ay tungkol sa COVID. ‘Yung magkaroon na ng solusyon kung ito man ay sa Astra Zenica, Pfizer o Moderna, kung anumang drug company, naungkat ko na iniisip ko rin ito, na noong araw pala ay mayroon pala tayo plano na pharmaceutical zoning industry,” sambit ni Tolentino.

Aniya, kapag inilagay sa iisang lugar ang mga pharmaceutical company, hindi lang ito magpapaluwag sa daloy ng trapiko kundi makakatulong din sa local economy at trabaho para sa mga Pilipino.

“Kasi naikuwento ko sa hearing na nung nag-aaral ako noong high school, palakad-lakad diyan sa may area dito po Lourdes—dito po sa crossing sa Mandaluyong. So nandiyan lahat ‘yung mga Abbott Laboratory, nariyan ‘yung kung anu-anong mga pharmaceutical. Sabi ko, bakit hindi natin ito ilagay na lang sa isang lugar sana na sama-sama sila, makatulong pa sa local economy at mag-empleyo ng mga kababayan natin,” pahayag ng mambabatas.

“Makaka-decongest din ito sa Metro Manila dahil ang laki ng na-occupy nila sa Pasig-Mandaluyong area. Nandiyan lahat ‘yung Unilab, nandiyan lahat. So kung maika-cluster natin isang lugar—kung Bulacan o Cavite—eh luluwag talaga ang isang bahagi ng Kalakhang Maynila,” dagdag niya.

Nadiskubre raw niyang mayroon nang Bulacan Pharmaceutical Economic Zone kung saan naroon lahat ang iba’t ibang laboratoryo sa bansa.

“Nandun ‘yung Pascual Laboratoy (at) ‘yung iba pang mga local laboratories natin, hindi lang naka-expand,” aniya.

“So kung ito ay matutulungan at mapapalaganap, eh uunlad na ‘yung pharmaceutical industry natin na hindi na lang pakapa-kapa kung meron ganitong epidemic or pandemic. Meron tayo puwedeng sumalo na pharmaceutical industry na puwede na lang mag-tie up—halimbawa kung sino ang naka-discover ng vaccine at dito na lang i-locally manufacture. Meron po sa Bulacan,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?